Ang halos isang daa’t dalawampung dumalo sa timpalak – karamiha’y mga Asyano – ay manghang-manghang nakatingala sa isang nag-iingay at naiibang pamilyang Colombiana na sumisigaw sa abot ng kanilang makakaya: “Razel, Razel, Razel!” habang winawagayway ang isang placard na yaring-bahay. Ang kaganapan: My Fairy Princess 2014, isang beauty pageant sa Singapore kung saan ang tatlumpong kandidatang Pilipina, Indonesian, Burmese, at Malay ay panandaliang isinantabi ang kanilang mga tungkulin bilang domestic workers upang palamutian ang mga sarili ng mga sequins at satin.
Ang mahal naming si Razel Bagaoisan Corrales, isang kahanga-hangang Pinay na nasa edad 30’s, masinsin, morena, katamtaman ang taas, may mapuputing mga ngipin at buhok na maitim – na sa loob ng ilang taon ay siyang tumutulong sa amin sa mga gawaing-bahay – ay isa sa mga kandidata. Tumagal ng ilang linggo ang kanyang paghahanda: sumali sa iilang mga insayo, buong ingat na pinili ang mga susuutin, at bumili ng fancy jewelry na nag-anyong pinong alahas. Ilang araw bago ang kaganapan, ipinakita niya sa akin ang mga takong na gagamitin niya. Matataas ang mga ito, kasintaas ng angkin niyang integridad. Sinubukang isuot ng anak kong si Lucía ang mga ito habang inaayos ko ang aparador para sa kanyang mga inihandang kasuotan.
Hindi nakamit ni Razel ang korona. Gayunpaman, nakamit niya ang marangal na titulong “Miss Sweet Aloha Singapore” na siyang ibinigay ng jurado bilang gantimpala sa sinumang nagsalarawan sa kahulugan ng salitang Hawaiian: pag-ibig at respeto. At sa walang pag-aalinlangan, siya ang naging pinakamagandang bahagi ng naging buhay namin sa Singapore, hindi dahil sa pinapanatili niyang masinop ang aming bahay, o laging handa ang hapunan at plantsado ang mga damit, kundi dahil sa kanyang pagmamahal na siyang nagbigay sa amin ng isang malaking aral sa buhay.
Tulad niya, daan-daang mga kababaihan ang nagsisidatingan sa Singapore mula Pilipinas, isang eksotikong kapuluang bansa sa timog-silangang Asya kung saan ang mga naninirahan ay marunong mag Ingles, mala-Katsila ang mga pangalan, at lalakbayin ang layong dalawang libo’t apat na raang kilometro upang makipagsapalaran para maabot ang mga pangarap sa buhay. Ang kanilang layunin: makapagtrabaho bilang isang domestic helper sa isang bansa – kung saan isa sa bawat limang pamilya ay kumokontrata ng domestic service – upang sumahod ng apat na beses na mas malaki kaysa sa kikitain niya sa lupang kanyang pinanggalingan.
Nakilala ko siya sa aking bahay nang dumating siya para sa job interview. Mga ilang araw bago ito, may mga nakausap na rin akong mga dalawampung aplikante ngunit walang ni isa sa kanila ang nakapagkumbinsi sa akin. Tinanggihan ko ang sinumang aplikanteng walang anak dahil kinalaingan ko ang may kadalubhasaan pagdating sa mga bata, at dahil na rin sa naging karanasan ko sa propesyon ukol sa Mental Health, nagbitiw ako ng mga di-inaasahang katanungan na nagdulot o naging sanhi ng pagkabahala. Sumang-ayon ako na kapanayamin si Razel sa pagpupumilit ng kanyang ahensiya kahit hindi niya natugunan ang aking pangunahing requirement – hindi siya nanay. Ngunit iba ang pakiramdam ko sa kanya. Nasorpresa ako sa kanyang pulidong pakikipag-usap at maayos na itsura. Nagustuhan ko ang kanyang pagkamababang-loob sa pagsagot niya sa bawat katanungan, at nabighani ako lalo sa ipinakita niyang kalambingan nang lumapit sa kanya ang aking mga anak. Nang tinanong ko siya kung mayroon siyang karanasan sa pag-aalaga ng mga aso, napakahusay ng sagot niya: “Wala akong karunungan ukol dito, at hindi ako nakapag-alaga ni isa. Ngunit kung tuturuan mo ako, gagawin ko ang lahat ng aking makakaya”. Namangha ako sa kanyang katapatan. Kinabukasan, tinanggap namin siya, at mula noon, siya’y naging panibagong parte ng aming pamilya, pinakamatalik na kasa-kasama ng aking mga anak, at isa sa mga pinakapaboritong tao ng aking aso.
Si Razel ay tubong Ilocos Norte, isang maliit na probinsyang agrikultural na matatagpuan sa hilagang-kanluran ng Luzon – ang pinakamalaki sa tatlong grupo ng mga isla na bumubuo sa kapuluan ng Pilipinas. Siya ay pangalawa sa anim na magkakapatid sa isang simpleng pamilyang magsasaka. Sa murang edad isinantabi na niya ang mga manika kapalit ang asarol, at tuwing bakasyon, siya’y nagtatrabaho bilang katulong upang makapagbili ng mga school supplies. Nang makapagtapos ng high school, lumuwas siya ng Maynila upang mag-apply bilang isang home assistant sa Singapore. Labintatlong taon na ang nakalipas at naging bahagi na ang pag-export ng labor force mula sa bansang kung saan ang minimum wage ay humigit-kumulang sa isandaa’t limpampung dolyar bawat buwan, dalawampu’t walong porsiyento ng populasyon ay nasa ibaba ng poverty line, at isa sa bawat sampung Pilipino ay nagtatrabaho sa labas ng bansa kung saan ang kanilang mga remittances ang bumubuo sa sampung porsiyento sa gross domestic product.
Ipinagbabawal ng batas ng Singapore sa mga kababaihang ito ang paghahanap ng ibang trabaho maliban sa kanilang pagiging domestic helper. Marami sa kanila ay mga nurses, tekniko sa iba’t-ibang larangan at mga guro. Bukod dito, ipinagbabawal din isama ang kanilang mga pamilya, tumira sa ibang bahay maliban sa bahay ng kanilang mga amo, ang pag-aasawa, at ang pagbubuntis. Kung mangyari man ang pinakahuling nabanggit, dapat nilang lisanin ang bansa upang ipagpatuloy ito o kaya’y dumulog sa abortion, na siya namang aprobado sa Singapore. Gayunpaman, itinuturing nila na sulit pa rin ang lahat ng ito, dahil sa pamamagitan ng perang ipinapadala ay napag-aaral nila ang kanilang mga anak, natutustusan ang mga pangangailangang pantahanan, nakakapagpatayo ng bahay o nakakapag-ipon para sa kinabukasan nang walang labis na sakripisyo.
Natuklasan naming pinag-aaralan ni Razel ang wikang Espanyol nang isang araw ay humalakhak siya sa birong ikinuwento ng aking asawa. Ang kanyang pagnanais na makipag-ugnayan gamit ang aming sariling wika at ang kanyang pagiging atento sa bawat salita ang naging dahilan upang maintindihan niya ito sa maikling panahon. At ang nakapagpamangha sa aking mga kababayan ay noong sila’y inalok niya ng: “¿quieren tomar un tinto?” (Gusto mo ng kapeng barako?). Bukod dito, kabisado niyang mabuti ang aming mga paboritong lutuin na ipinagmamalaki niya sa bawat pagtitipon. At dahil dito, umaapaw ang mga pagpupuri sa mga inihahanda niyang masasarap na arepas, malulutong na empanada, o ang masarap na bandeja paisa (mga pangkaraniwang lutuin sa Colombia). Lagi niyang binabati ang aming mga bisita nang may kagalakan at kagiliwan na hanggang ngayon palagi pa rin nila siyang naaalala. At para sa aming pamilya, na itinuturing siyang parte nito, ang tanging nakapagpabahala sa amin nang lisanin namin ang Singapore ay ang isipang paano nalang kami kung wala siya at siya kung wala kami.
Bagama’t pinangarap niyang maging doktor, ang matustusan ang pag-aaral ng tatlo niyang kapatid sa kolehiyo at mabigyan ng suportang pinansiyal ang kanyang mga magulang ay sapat na upang pawiin ang kahit anong kabiguan. At sa halip, pinangarap niyang bumalik isang araw sa bansang pinanggalingan upang makapagbuo ng sarili niyang pamilya at magtayo ng pastry shop – sapagka’t umaapaw din sa kanyang katauhan ang katamisan. Imposibleng kalimutan ang kanyang mga maiinit na yakap, ang mga bulaklak na dinadala niya sa akin tuwing Valentine’s Day, ang mga makukulay na placards at lobo na sumasalubong sa amin sa tuwing uuwi kami galing sa mahabang byahe, ang mga regalo at halik na binibigay niya sa aking mga anak tuwing may espesyal na okasyon, ang pasalubong na dinadala niya galing Pilipinas para sa aking asawa, at ang mga madamdaming cards na isinusulat niya para sa amin tuwing Pasko. Siya, na iniwan ang sariling pamilya upang alagaan ang iba, ay hindi nanalo sa beauty pageant. Ngunit ang pag-aaruga, pagmamalasakit, dedikasyon at pagmamahal na ipinakita niya ay tumagos sa aming mga puso at dahil dito, tinagurian namin siyang reyna ng aming buhay – walang korona at setro, ngunit taglay ang pusong ubod ng yaman. 🌸